Paano magtakda ng diskarte sa pagpepresyo
Isa ang presyo sa mga pangunahing bagay na isinasaalang-alang ng mga bisita kapag nagpapasya sila kung saan sila mamamalagi. Gaano man kaganda ang iyong tuluyan, kung mas mataas ang presyo nito kumpara sa mga katulad na tuluyan sa malapit, malaki ang posibilidad na hindi ka ma-book.
Noong 2022, mahigit 30% mas maraming gabi ang na‑book sa mga listing na may presyong in‑update nang apat na beses kumpara sa mga listing na hindi nag‑update ng presyo.* Pag‑isipang sundin ang mga tip na ito para malaman ang diskarte sa presyo na mainam para sa iyo.
Kilalanin ang iyong lugar
Gamitin ang kalendaryo mo para ihambing ang itinakda mong presyo sa average na presyo ng mga katulad na listing sa malapit sa mapa. Mapipili mong isama ang mga naka‑book o hindi naka‑book na listing.
Ganito maghambing ng mga presyo sa mapa:
Pumili ng petsa o hanay ng petsa na hanggang 31 gabi.
I‑tap o i‑click ang presyo kada gabi, saka ang button na nagpapakita ng pin ng lokasyon na may nakasaad na “Mga katulad na listing” at hanay ng presyo.
Ang mga presyong nasa mapa ang average na presyo ng bawat listing sa mga napiling petsa noong na‑book o hindi na‑book ang mga iyon. Kabilang sa mga salik na ginagamit para matukoy kung ano‑anong listing ang katulad ng iyo ang lokasyon, sukat, mga feature, mga amenidad, mga rating, mga review, at iba pang listing na bina‑browse ng mga bisita habang isinasaalang‑alang ang iyo.
Ialok ang pinakasulit na presyo
Kapag alam mo ang binabayaran ng mga bisita, maiaalok mo ang pinakasulit na presyo at mas madali mong maaabot ang target mong kita. Kabilang sa kabuuang presyo ang presyo kada gabi, anumang itinakda mong karagdagang bayarin (para sa paglilinis, dagdag na bisita, o alagang hayop), mga bayarin sa serbisyo ng Airbnb, at mga buwis.
Makakatulong ang pagtatakda ng sulit na presyo para mamukod‑tangi ang listing mo at manguna ito sa mga resulta ng paghahanap. Inuuna ng algorithm ang kabuuang presyo at kalidad ng listing kumpara sa mga katulad na listing sa malapit.
Maaaring hindi napapansin ng mga bisita ang ilang gastusing isinasama mo sa itinatakda mong presyo. Nag‑aalok ka ba ng mga karagdagang bagay gaya ng kumpletong almusal, mga mamahaling gamit panligo, o mga streaming service? Linawin ang mga iyon sa paglalarawan ng listing mo para matulungan ang mga bisitang malaman kung bakit sulit ang itinakda mong presyo.
Pag‑isipang magbigay ng mga diskuwento at promo
Sa pamamagitan ng mga diskuwento at promo, makakapag‑alok ka ng mas mabababang presyo depende sa mga partikular na kondisyon nang hindi mo binabago ang itinakda mong regular na presyo kada gabi. Magagamit ang mga tool na ito sa iba't ibang sitwasyon, gaya sa pagtanggap sa mga una mong bisita o pagho‑host ng mas matatagal na pamamalagi.
Mga bagong listing: Kapag nag‑promote ka ng bagong listing sa pamamagitan ng pagbibigay ng 20% diskuwento sa nakatakdang presyo kada gabi, puwede kang makahikayat ng mga una mong bisita at makakadiskuwento ang unang tatlong magbu‑book. Ayon sa datos ng Airbnb, mas mabilis na nakakatanggap ng mga unang booking ang mga host na nag‑aalok ng promo na ito sa loob ng unang 30 araw mula nang maging aktibo ang listing nila.
Mas matatagal na pamamalagi: Kapag nag‑alok ka ng mga lingguhan at buwanang diskuwento, puwedeng mapuno ang kalendaryo mo nang mas madalang ang pagpapalit‑palit ng bisita at mas kaunti ang kailangan mong asikasuhin. Mga reserbasyong para sa pamamalagi nang isang linggo o mas matagal pa ang bumubuo sa 46% ng mga gabing na‑book sa Airbnb noong 2022.
Maitatakda mo sa kalendaryo sa pagho‑host mo ang mga diskuwento at promo na available para sa iyong listing.
*Batay sa mga listing sa iba't ibang panig ng mundo (maliban sa China, Belarus, Russia, at Ukraine) na may isa o higit pang gabi na available mula Enero hanggang Disyembre 2022 at hindi gumagamit ng Smart Pricing. May mga karagdagang salik na nakakaapekto sa mga gabing binu‑book.
Posibleng nagbago ang impormasyong nakasaad sa artikulong ito mula noong na‑publish ito.