Pagsasanay para sa ingklusibong hospitalidad at paglaban sa pagkiling

Binabalangkas ng mga eksperto ang mga kapaki-pakinabang na diskarte at nag-aalok ng patnubay para sa mga host.
Ni Airbnb noong Dis 26, 2019
11 minutong pagbabasa
Na-update noong Hun 14, 2022

Mga Katangi-tanging Feature

  • Umiiral ang pagkiling nang hindi natin ito namamalayan

  • Gumamit ng mga walang kinikilingang pamantayan sa pagtatasa ng mga potensyal na bisita

  • Kumilos sa pamamagitan ng pagsasalita at paggamit ng parehong pamantayan para sa lahat

Naniniwala ang Airbnb na puwedeng makatulong ang paglalakbay sa pagbuo ng mga ugnayan at ng mas inclusive na mundo. Tunay na balakid sa mga koneksiyon na iyon ang diskriminasyon, na dahilan kung bakit napakahalagang malabanan nito.

Para matulungan ang mga host at bisita na maunawaan ang diskriminasyon at ang mga pagkiling na nagdudulot nito, nakipagtulungan ang Airbnb sa mga kilalang social psychologist na sina Dr. Robert W. Livingston ng Harvard University at Dr. Peter Glick ng Lawrence University. Binigyang-inspirasyon ng kanilang pananaliksik at kaalaman ang mga tagubilin at pinakamahusay na kasanayan na nakasaad sa artikulong ito.

Pagkiling vs. diskriminasyon: Ano ang pagkakaiba?

Tumutukoy ang "pagkiling" sa mga damdamin o palagay tungkol sa tao na batay sa mga katangiang tulad ng lahi, relihiyon, bansang pinagmulan, etnisidad, kapansanan, kasarian, kinikilalang kasarian, seksuwal na oryentasyon, o edad. Nangyayari ang "diskriminasyon" kapag nag-iiba ang iyong pakikitungo sa isang tao batay sa kanyang mga katangian. Hindi laging humahantong sa diskriminasyon ang pagkiling, pero kadalasang dito nagsisimula ang diskriminasyon.

Ano ang hindi sinasadyang pagkiling?

Umiiral ang pagkiling nang hindi natin ito namamalayan at kadalasan itong tinatawag na "hindi sinasadyang pagkiling." Puwedeng makaimpluwensya ang hindi sinasadyang pagkiling sa pakikitungo natin sa mga tao, na nauuwi sa pandidiskrimina natin—minsan, kahit na hindi natin ito namamalayan.

Pagkiling ayon sa kasarian at LGBTQ

Malalim na nakaugat sa lipunan ang mga papel na ginagampanan ayon sa kasarian at—batid man natin ito o hindi—ginagamit ng karamihan sa atin ang mga ito para magpasya tungkol sa kung paano sa tingin natin dapat kumilos ang mga tao. Ang mga stereotype sa kasarian ay may mga makabuluhang implikasyon sa komunidad ng LGBTQ (lesbian, gay, bisexual, transgender, questioning, queer) dahil taliwas ang kanilang mga kinikilalang kasarian sa mga pamantayan sa lipunan.

Anuman ang iyong opinyon tungkol sa mga isyu kaugnay ng kasarian at LGBTQ, mahalagang tandaan na ang pagpapakita ng hospitalidad sa iba ay hindi nangangailangan ng pagkakaroon ng mga pananaw o pamumuhay na tulad ng kanila.

Ang papel na ginagampanan ng mga stereotype

Isang resulta ng pagkiling ang pagkakaroon ng mga stereotype. Ang stereotype ay isang imahe o ideya ng isang partikular na uri ng tao na pinapaniwalaan ng marami ngunit lubhang pinasimple o eksaherado. Gumagamit kahit papaano ng mga stereotype ang lahat ng tao—batid man nila ito o hindi. Ang pagkakaroon ng mga stereotype sa mga tao ay kadalasang humahantong sa mapandiskriminang gawi, mula sa mga hindi sinasadyang pang-iinsulto hanggang sa matitinding kaso ng kawalan ng katarungan.

Paano ka makakatulong

Sumasalungat ang diskriminasyon sa mga pangunahing pinapahalagahan ng Airbnb at ipinagbabawal ito sa aming platform. Mapipigilan at maiiwasan ito, kahit na nagmumula ito sa hindi sinasadyang pagkiling.

Narito ang ilang hakbang na puwedeng gawin ng bawat host para labanan ang pagkiling at makatulong sa pagkakaroon ng mas ingklusibong komunidad:

      • Tahasang ipahayag. Maglagay ng mensahe sa iyong profile na nagsasaad na bukas para sa lahat ang iyong tuluyan. Hindi lang nito ipinapaalam sa mga bisita na malugod silang tinatanggap. Puwede rin itong magbigay-inspirasyon sa ibang host na pahalagahan ang dibersidad at ingklusyon.
      • Gumamit ng parehong mga pamantayan para sa lahat. Gumawa ng isang hanay ng mga walang kinikilingang pamantayan para suriin ang mga potensyal na bisita sa bawat pagkakataon. Halimbawa, angkop ba sa iyo ang mga petsa? Mapapatuloy mo ba ang bilang ng mga bisitang darating para mamalagi? Kung paiba-iba ang iyong mga pamantayan batay sa sitwasyon, maaaring maapektuhan ng pagkiling ang iyong pagpapasya.
      • Maingat na magpasya. Bago tanggapin o tanggihan ang bisita, alamin kung bakit ka humantong sa desisyong iyon at hamunin ang sariling bumuo ng malinaw na paliwanag batay sa mga pamantayang itinakda mo. Tanungin ang iyong sarili kung magiging komportable kang sabihin nang harapan sa bisita ang dahilan kung bakit siya tinanggihan.
      • Kalimutan ang mga pangkaraniwang haka-haka. Isa sa ilang napatunayan nang paraan para malabanan ang hindi sinasadyang pagkiling ang paghahanap ng mga karanasan at impormasyon na sumasalungat sa mga pangkaraniwang haka-haka. Lumabas sa sarili mong comfort zone, at makakilala ng mga taong mula sa iba't ibang pinagmulan o komunidad. Tanggapin ang mga bisita ng Airbnb na mula sa iba't ibang pinanggalingan sa buhay. Puwedeng maiwasan ang mga pagkiling sa pamamagitan ng mga positibong pakikipag-ugnayan at pakikisalamuha sa iba.

      Makakuha ng mga tip para matulungan ang bawat bisita na maramdamang malugod silang tinatanggap

      Posibleng nagbago ang impormasyong nakasaad sa artikulong ito mula noong na-publish ito.

      Mga Katangi-tanging Feature

      • Umiiral ang pagkiling nang hindi natin ito namamalayan

      • Gumamit ng mga walang kinikilingang pamantayan sa pagtatasa ng mga potensyal na bisita

      • Kumilos sa pamamagitan ng pagsasalita at paggamit ng parehong pamantayan para sa lahat

      Airbnb
      Dis 26, 2019
      Nakatulong ba ito?