Mga detalyeng pinag-isipang mabuti na gustong gusto ng mga bisita
Mga Katangi-tanging Feature
Humanap ng mga paraan para mapaganda pa ang iyong mga amenidad
Malaki ang puwedeng maging epekto ng mga magiliw na pagbati, tulad ng pambungad na basket o sulat-kamay na mensahe
Magbahagi ng mga lokal na pagkain para mabigyan ang mga bisita ng bukod-tanging karanasan
Puwedeng makatulong ang mga praktikal na amenidad, tulad ng mga sunscreen, pantaboy ng insekto, at payong
Gusto mo bang bigyan ng di-malilimutang karanasan ang iyong mga bisita? Hindi kailangan ng sobrang marangyang tuluyan o mga high-end na amenidad para magawa ito. Sa halip, isipin ang maliliit na aksyong puwedeng magkaroon ng malaking epekto, tulad ng pag-aalok sa paborito mong lokal na kape o paghahanda ng sulat-kamay na pambungad na mensahe. Nagbabahagi ang mga host dito ng ilang simple at pasok sa badyet na ideya para mabigyan ang mga bisita ng di-malilimutang pamamalagi.
Pinakamagiliw na pagbati
Kadalasang pagod at nagugulumihanan ang mga bisita pagdating nila. Iparamdam na malugod silang tinatanggap pagkapasok nila mismo sa tuluyan.
- Maghanda ng pambungad na basket. “Mayroon akong pambungad na basket na naglalaman ng mga instant oatmeal, PowerBar, nut, cookie, at microwave popcorn para may makain sila sakaling mahaba ang kanilang flight at hindi pa sila handang mamili.” —Carrie, New York City
- Sumulat ng iniangkop na mensahe. “Isa sa mga bagay na gusto ng mga bisita ang card na may iniangkop na mensahe. Gumagamit ako ng card na gawa ng mga kabataang designer na ang tema ay ang aking lungsod na São Paulo.” —Priscilla at Gabriel, São Paulo
- Maghanda ng lugar para sa kanilang bagahe. “May patungan ng bagahe sa paanan ng bawat higaan. Natutuwa ako na madaling alisin ang mga ito kung mayroong may gusto ng dagdag na espasyo, o kapag naglilinis ako.” —Allison, Lungsod ng Traverse, Michigan
Pagandahin pa lalo ang kuwarto at banyo
Kapag nakumpleto mo na ang mga pangunahing amenidad, gamitin ang mga ito bilang oportunidad para makapagpakita ng mas kapansin-pansing hospitalidad.
- Maghanda ng mga ekstra. “Tinitiyak ko na maraming tuwalya, ekstrang gamit sa higaan, sabon at shampoo.” —Susan, Covington, Georgia
- Maghanda ng magagandang gamit sa banyo. “Binibigyan ko ang mga bisita ng propesyonal na makeup wipes.” —Beverlee at Suzie, Oakland, California (Bonus: Makakatulong din ang mga ito para maiwasang magkaroon ang mga sapin at tuwalya ng mga mahirap tanggaling mantsa!)
- Pagandahin pa lalo ang iyong banyo. “Tinutupi ko ang ilalim ng toilet paper. Maliit na bagay lang ito, pero naipaparamdam nito na malinis ang lahat at na may malasakit ka.” —Emma-Kate, San Francisco
- Magdagdag ng kaunting luho. “Nagbibigay ako ng mga komportableng puting terry cloth na robe. Ginagamit ang mga ito ng mga bisita kapag ginagamit nila ang spa o para magrelaks.” —Linda, La Quinta, California
Mga lokal na pagkain
Bahagi ng nakakapagpasabik sa pagbibiyahe ang pagtuklas sa mga walang katulad na pagkain, amoy, tanawin, at pakiramdam sa isang destinasyon. Ibahagi sa mga bisita ang ilan sa mga paborito mo.
- Gawing di-malilimutan ang almusal. “Nagbibigay ako ng munting regalo mula sa rehiyon para sa almusal, depende sa panahon—espesyal at pambihirang pulot-pukyutan mula sa puno ng fir na galing sa mga mambubukid sa bundok, lokal na keso, o sariwang juice at prutas mula sa mga mambubukid sa ibang village.” —Claudia, Black Forest, Germany
- Isipin ang lahat ng aspekto. “Nasa Portland ako, kaya gusto kong maramdaman ng mga bisita ang Portland sa lahat ng aspekto ng kanilang karanasan. Ito ang diwa ng Airbnb! Nagbibigay ako ng mga lokal na craft beer, bulaklak mula sa aking hardin, maraming libro tungkol sa lungsod, lokal na organic na meryenda, at may diyaryo ng Oregon na dumarating araw-araw. Bumibili rin ako ng mga lokal na magasin. Mahalaga ang masarap na kapeng mula sa Portland, pati na ang half-and-half.” —Lisa, Portland, Oregon
- Iangkop ang karanasan. “Kung magdiriwang ng kaarawan ang aking mga bisita sa katapusan ng linggo, mag-iiwan ako ng mga lokal na gawang cupcake.” —Tiffany, Hollywood Beach, California
- Bigyan sila ng munting token. “Naghahanda ako ng postcard mula sa isang astig na lokal na venue o landmark na puwedeng itabi o ipadala pauwi ng bisita.” —Debi, Thousand Oaks, California
Minsan, pinakamagandang manatiling praktikal
Kapag may mga praktikal na amenidad, puwedeng maging maganda ang biyahe at maiwasan ang nakakadismayang karanasan. Puwede mong mabuo ang kanilang araw sa pagbibigay ng mga sunscreen, first-aid kit, computer adapter, at higit pa.
- Tulungan silang makapaggala. “Kit para sa beach: mga upuan, payong, sarong, paddle ball, cooler, baraha, mga laruang pambata, at football. Kit para sa lamok: mga pantaboy at kandilang citronella.” —Danielle, Rio de Janeiro
- Isaisip ang lokal na klima. “Bumili kami ng 10 pang-emergency na raincoat na itinatapon pagkagamit at gawa sa plastik na sobrang nipis at sobrang gaan. Nagkakataong dumarating ang mga bisita nang maganda ang lagay ng panahon, at umuulan nang malakas bago sila umalis.” —Till at Jutta, Stuttgart, Germany
- Maghanda ng hair dryer at plantsa. “Hindi mahal ang hair dryer at plantsa at kapag mayroon ka ng mga ito sa iyong property, maipaparating mo na naisip mo ang maliliit na bagay na maaaring makatulong sa bisita.” —Richard, Lenox, Massachusetts
- Magdagdag ng ilang amenidad na pampamilya. “Isang napakasimpleng gamit pero talagang patok: lumang kariton na may mga unan para makapaglibot nang hila-hila ang mga bata.” —Chantal, Dinan, France
Hindi ka pa rin ba sigurado kung saan ka magsisimula? Mamalagi sa iyong patuluyan nang isang gabi para maranasan mo kung paano maging bisita roon. Pagtuunan din ng pansin ang feedback ng iyong mga bisita—iba-iba ang kanilang pananaw at maaari silang magbigay ng mga ideya na posibleng hindi mo maisip nang mag-isa. Sa paglipas ng panahon, malalaman mo ang pinakamagandang paraan ng pagpapabuti sa iyong listing. Makakuha ng magagandang review!
Mga Katangi-tanging Feature
Humanap ng mga paraan para mapaganda pa ang iyong mga amenidad
Malaki ang puwedeng maging epekto ng mga magiliw na pagbati, tulad ng pambungad na basket o sulat-kamay na mensahe
Magbahagi ng mga lokal na pagkain para mabigyan ang mga bisita ng bukod-tanging karanasan
Puwedeng makatulong ang mga praktikal na amenidad, tulad ng mga sunscreen, pantaboy ng insekto, at payong